Pagdarasal, Pagsunod, Pagsaksi

PAGDARASAL, PAGSUNOD, PAGSAKSI

A Homily delivered by Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle
during the Mass for the Traslacion of the Black Nazarene
on January 9, 2014 at the Luneta Grandstand, Manila.



Magandang umaga po sa inyong lahat. Happy fiesta po, Happy Fiesta!
Nagpapapasalamat po tayo sa butihing Diyos [dahil] tayo po ay Kanyang tinipon na naman at binigyan ng lakas; binigyan tayo ng magandang panahon upang ating maparangalan ang Kanyang bugtong Anak sa Kanyang taguring Jesus Nazareno. Salamat din po sa ating mga government officials, sa lahat po ng  ating mga collaborators at sa inyo pong lahat na walang sawa na ipinapadama sa ating mahal na Diyos ang ating pasasalamat; ang  atin pong pagtanaw ng utang na loob.

Ano po ang nararamdaman ninyo kapag tinititigan ninyo si Jesus Nazareno? Ano ang nadarama ninyo kapag siya ay inyong nalalapitan? Bakit mayroong lumuluha? Bakit mayroong napapangiti habang ang mga mata na nakatitig sa Kanya ay nagluluningning? Bakit mayroong pagkatapos makalapit sa Kanya ay parang iniakyat na rin sa langit? Ano ang inyong nakita?  Ano ang ating naririnig sa Kanya? Ano ang ating nadarama? Siguro po bawat isa ay mayroong natatanging sagot sa tanong na ito? Siguro, sasabihin nung iba, “Naramdaman ko, hindi ako pababayaan ng Diyos.” Siguro ‘yung iba masasabi, “nakita ko kung gaano ako dinamayan ni Hesus.” ‘Yung iba siguro magsasabi, “Narinig ko ang kataga na matagal ko ng hinihintay, ‘Kailan ma’y hindi ka magiisa.’” Iba-iba siguro ang ating magiging tugon, subalit iisa rin ang patunguhan, ganito tayo kamahal. GANITO TAYO KAMAHAL NG DIYOS. Iyan si Poong Jesus Nazareno. Pinasan Niya ang ating hirap. Bakit, bakit Niya ginawa iyon? Walang ibang dahilan kundi PAG-IBIG. Bawat isa sa ating ay mahalaga sa Kanya. Bawat pamilya ay mahalaga sa Kanya kaya’t kaya N’yang pasanin ang lahat para sa atin. Gan’yan tayo kamahal ng Diyos!

Ano ang ating tugon? Ang tugon natin ay debosyon. Kaya maraming deboto pero para sa  Poong Nazareno ang mga deboto ang tawag kalimitan ay mamamasan. Bakit? Si Hesus na pumasan sa ating buhay, sa ating pagdurusa, ang ating namang tugon, Hesus papasanin ka rin namin. Ganyan tayo minahal ni Hesus, ang ating debosyon  ay tugon ng pagmamahal. Love for love. Ang bigay na pagibig sa atin  ay walang ibang karapatdapat na tugon at sukli kundi pag-ibig.

Dalawang taon po ang nakararaan, baka naalaala ng karamihan, mayroon pong balita na magkakaroon ng kaguluhan, baka daw [magkaroon ng] terrorist attack sa kapistahan ng traslacion. May nakausap po ako na isang deboto. Tinanong ko  po, ayon sa balitang iyan, kayo po ba ay hindi na dadalo, kayo po ba ay aatras na? Ang ganda po ng sagot niya. Sabi niya, “Bishop, bakit ako ho aatras? Si Hesus nga pinasan ang ating mga hirap hanggang kamatayan? Bakit hindi ko haharapin ang kamatayan para sa Kanya?” Iyan ang deboto. Naunawaan niya, nadining niya ang pag-ibig, ganito na lamang ang pag-ibig ng Diyos, hindi masusukat, kaya narito ako, tutugon ako. [Sa] ginawa Niya para sa akin, hindi ako manghihinayang  na gawin rin para sa Kanya.

Mga kapatid sa tema ng ating fiesta sa taong ito hinahamon po tayo, sa taon ng layko ipakita ang pagmamahal kay Hesus na unang nagmahal sa atin sa tatlong pamamaraan. Paki-memorize po ito! Tatlong pamamaraan ng pagpapakita ng pag-ibig kay Hesus na unang nagpasan sa ating dala ng pagmamahal.

Una, MAGDASAL. Ang pagdarasal ay pagpapakita ng pag-ibig. Tayong mga Filipino [ay] may magandang salita sa pagdarasal. Sinasabi natin, hindi naman ako nakakalimot tumawag sa Diyos. Ang pagdarasal ay ang hindi paglimot. Di ba mayroon  tayong kanta, “Maalaala Mo Kaya?”  Ang nagdarasal ay laging nakakaalala sa Diyos. Ang pag-aalala, pinakikinggan, kinakausap at ang nakakalala sa Diyos, makakaalala sa kapwa. Kung tunay tayong nagdarasal; kung tunay tayong kaugnay ng Diyos, hindi natin makakalimutan ang kapwa.

Mga kapatid, mga kapwa deboto kay Jesus Nazareno, huwag kakalimutan, kasi malimit makalimutan, ang mga kapatid natin sa Tagum, Davao, na sinalanta ng bagyong Pablo, marami sa kanila hindi pa nakakaahon, nakalimutan na yata. Huwag kalilimutan din ang mga kapatid natin sa Nueva Ecija; karamihan ay magsasaka na dahil sa bagyong Santi ay nasira ang kabuhayan at ang mga pananim. Nakalimutan na yata. Parang unti-unti na ring nakakalimutan ang mga kapatid sa Zamboanga. Baka unti-unti na ring malimutan ang Bohol. At hanggang kailan kaya maalaala ang mga kapatid na nasalanta ng Yolanda? Hindi nakakalimot sa Diyos, [kaya’t] hindi [tayo dapat] makakalimot sa kapwa.  Kasi ganoon ang Diyos sa atin, hindi tayo kinakalimutan kaya ang tugon natin sa Kanya, “Hindi kita malimot”. At kapag laging tumatawag sa Diyos, lagi ring maalaala ang kapwa.

Ang ikalawa, ang PAGSUNOD sa Kanya. Ang pagsunod [ay] hindi lamang po iyong lumalakad ako sa likuran niya. Ang pagsunod, ang ibig sabihin, dahil ako ay nagdarasal, dahil hindi ako nakakalimot sa Kanya, dahil siya ay nasa aking puso, ang kanyang aral, ang kanyang halimbawa, ang nagiging pamantayan ng aking buhay. Hindi pupwede na susunod ako kay Kristo pero ang laging laman ng isip ko ay kuwarta! Hindi pupuwede na sasabihin ko, susunod ako kay Kristo, pero kaya kong dayain at pagsamantalahan ang aking kapwa. Ang tunay na nag-iisip lagi kay Hesus ay hindi gagawa ng mga bagay na taliwas kay Hesus. Ang pagdarasal ay nagbubunga ng pagsunod kay Hesus. Kaya mga kaibigan, araw rin ito ng pagtanong sa sarili, ako ba ay tunay na sumusunod? Ako ba ay tunay na napapalapit kay Hesus at ang Kanyang mga habilin ay aking sinusundan?

At ikatlo, PAGSAKSI. ‘Pag sinabi pong saksi, ibig sabihin pagpatotoo, ipahahayag ko sa kapwa sa pamamagitan ng aking salita at aking gawa na totoo si Hesus, na siya ay buhay! Makita sana sa aking ugali, sa aking pagkatao, sa aking ugnayan na talagang nagdarasal ako, na talagang hindi ako nakakalimot kay Hesus, na Siya talaga ang sinusundan ko. Makikita sana sa aking buhay na ang katotohanan na aking sinusundan ay si Hesus. Hindi po ‘yung, sabi nga nila, ‘yung sinasabi ng labi ay kinakabig naman ng puso. Hindi po. Talagang ipakita na si Hesus ay buhay, lalo na sating pag-iibigan. Mga kapatid huwag tayong mahihiyang ipahayag sa mundo: Mahal ako ni Hesus, mahal ko si Hesus. Nakakapagtaka  nga eh, ‘yung mga dapat ikahiya, hindi na ikinahihiya. ‘Yung pagnanakaw hindi na nga ikinahihiya! Dapat iyon ang ikahiya. Iyang korupsiyon, dapat ikahiya! Uulitin ko, ‘yung mga nakakahiya hindi na ikinahihiya. Pagnanakaw, korupsiyon, hindi na ikinahihiya. Nasa front page pa nga. Huwag ikahiya si Hesus! Mahal tayo ni Hesus, mahal ko si Hesus.

Yung tatlo po, ho: PAGDARASAL, PAGSUNOD, PAGSAKSI. Inaanyayahan ko po kayo na tumahimik sandali damhin natin ang malalim na pag-ibig ni Hesus sa atin at tayo po ay tumugon, mangako magdarasal, susunod sa Kanya.


No comments:

Powered by Blogger.