Panalangin at Pahayag ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio G. Cardinal Tagle, Arsobispo ng Maynila, para sa Million People March, 26 Agosto 2013
Panalangin at Pahayag ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio G. Cardinal Tagle, Arsobispo ng Maynila, para sa Million People
March, 26 Agosto 2013
PANALANGIN
Mapagmahal na Dios salamat po sa inyong kabutihan sa amin. Salamat sa mga dakilang Pilipino at aming ginigiliw na bayan. Patawarin din po ninyo kami sa aming pagkakasala, pagmamalabis at maraming pagkukulang. Samahan po ninyo ang aming pagtitipon sa araw na Ito. Lumambot nawa ang mga pusong nagmamatigas. Mabuksan nawa ang mga matang nabubulagan. Magwika nawa ng katotohanan ang dilang nauutal. Maging payak nawa ang nalulong sa karanyaan. Makipagkapwa tao nawa ang nahuhumaling sa sarili. Marinig nawa namin ang hikbi ng mahihirap. Maglingkod nawa kami nang walang hinahanap na kapalit. Maging marangal nawa kami sa lahat ng aming iisipin at gagawin. Maghari nawa ang iyong katarungan sa Ngalan ni Jesukristo at lakas ng Espiritu Santo. Amen.
PAHAYAG
Mabiyayang Araw ng mga Bayani sa inyong lahat! Tayo na pong magbayanihan, ibig sabihin sama-sama at sabay-sabay tayong maging Bayani.
Inaanyayahan ko po ang lahat na tingnan, dinggin at mahalin ang mga dukha at naghihirap bilang mga kapwa at kapatid. Ating damahin ang tibok na puso ng ating bayan. Pakinggan ang tinig ng Diyos.
Sa ating pagkatao, pamilya at barkada,
sa ating palengke, bangketa at bangko,
sa ating paaralan, tanggapan at kalakalan,
sa ating tv, radio at sine,
sa ating texts, Internet at web,
sa ating persinto, kampo at korte,
sa ating sambahan, moske at simbahan,
sa ating kongreso, senado at ehekutibo,
sa ating ilog, dagat at himpapawid,
sa ating kabundukan, kaparangan at kapatagan,
sa ano mang bahagi at bansa ng mundo -
patunayan natin na MARANGAL Ang PILIPINO.
MARANGAL dahil may takot sa Diyos, paggalang sa buhay, pagpapahalaga sa kapwa tao, pagmamalasakit sa bayan at pagaaruga sa kalikasan.
Ang MARANGAL na sarili Ang siyang MAMAYANI.
Mga sistema at patakaran dapat daan ng Kabayanihan!
+Luis Antonio G. Cardinal Tagle
26 Agosto 2013
No comments: